Pag- iisyu ng Local Transport Permit sa mga ibinibiyaheng isda mas hinigpitan ng BFAR

CAMARINES NORTE- Lalo pang naghigpit ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pag- iisyu ng Local Transport Permit o LTP sa mga ibinabiyaheng isda lalo na sa labas ng lalawigan.

Naabutan mismo ng Brigada News noong Biyernes ang isang truck na kargado ng banye- banyerang isda na binusisi ng inspector ng BFAR bago ibiyahe.

Ito ay upang masigurong ligtas para sa human consumption ang mga ibinabiyaheng isda at iba pang marine products.

Kaya naman kailangang dalhin sa mismong tanggapan ng BFAR ng dealer/shipper ang truck na naglalaman ng mga ibibiyaheng isda at hindi papel lang.

Bago pa man kasi makabiyahe ang anumang uri ng isda galing sa ibang lugar ay kailangang kumpleto ito ng dokumento kung saan makikita ang point of origin nito at destinasyon.

Alinsunod sa section 125 ng Republic Act 8550 as amended by RA 10654, kailangang kumuha ng LTP kapag ibibiyahe ang isda sa ibang lugar.

Kapag walang LTP, aabot sa P50,000,00 hanggang P200,000 ang administrative fine at pagkumpiska sa  shipment o fishery product o kaya naman ay revocation ng registration for license.

Kapag napatunayang nagkasala pagkatapos ng paglilitis sa hukuman mahaharap sa anim na buwan hanggang dalawang taong pagkakabilanggo ang lumabag sa batas na may multang mula P100,000 hanggang P400,000.

Noong 2019, o bago ang pandemya umabot sa 6, 127 na LTP ang inisyu ng BFAR.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *