Pagkakaiba ng heat index ng Legazpi CDRRMO at ng PAGASA, nagdulot ng kalituhan sa publiko; CDRRMO, nagpaliwanag

LEGAZPI CITY – Nagdulot ng kalituhan sa publiko ang pagkakaiba ng datos ng heat index ng Legazpi City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kung saan marami ang mga nagtatanong kung alin ba dapat ang mas accurate.

Ipinaliwanag ni CDRRMO head Engineer Miladee Azur sa Brigada News FM Legazpi na lokasyon ang isa sa mga nakakaapekto sa pagkakaiba ng datos, kung saan ang automated weather station ng PAGASA ay nasa grassy area na may maraming punto, habang ang sa CDRRMO naman ay nasa ikalawang palapag ng kongkretong gusali.

Dahil umano dito, ang readings ng temperatura ng hangin at humidity na nasusukat ng instrument na nasa kanilang tanggapan ay mas mataas kaysa sa PAGASA, at kung mataas ang air temperature na nasusukat, magreresulta ito sa mas mataas na heat index.

Ayon pa kay Azur, kung mataas ang nakuhang heat index sa CDRRMO, nagre-reflect ito sa general condition ng mismong lugar kung saan nakalagay ang instrument.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *