Pamilya minartilyo ng ama sa Laguna, suspek nagpatiwakal

Natapuang patay ang isang ina at ang dalawa nitong anak matapos sila martilyuhin ng suspek sa kanilang bahay sa Biñan, Laguna.

Kinukunsiderang suspek ang padre-de-pamilya ng mga biktima, na natagpuan ring patay habang may nakataling strap sa leeg nito.

Kinilala ng mga pulis ang mga nasawi sa pangalang Johnny Martinez, 46-anyos; Jolly Espinas, 41-anyos; Winston, 7-anyos; at Brixton Martinez, 1-taong gulang.

Natagpuan ang bangkay ni Johnny na nakabigti sa may hagdanan habang ang iba pang mga biktima ay natagpuan sa iba’t-ibang bahagi ng bahay.

Sinabi ng mga otoridad na nakita nila ang mga bata na may face masks na nakasiksik sa kanilang mga bibig.

Ayon naman sa mga kapitbahay ng pamilya, ay narinig nila na umiiyak ng malakas ang sanggol noong Lunes ng gabi.

Kalaunan ay sinabi nila na wala nang lumalabas na tao mula sa nasabing bahay noong kinaumagahan ng Martes, wala na rin sumasagot pag kinakatok sila, at wala na rin marinig na batang umiiyak mula sa loob.

Ipinunto ng kapitbahay na minabuti na nilang buksan ang pinto ng bahay kung saan ay bumungad sa kanila ang isang duguan na bata.

Inihayag naman ng pulisya na nagkaroon ng pinansyal na problema ang mag-asawa matapos mawalan ng trabaho at source of income ang suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *