Panday na napatay sa suntok ang katrabaho sa Malvar, Batangas, nagsisisi

Nagsisisi ngayon ang isang panday na nagawang mapatay ang kanyang katrabaho matapos niyang suntukin ng ilang beses dala ng kalasingan sa Brgy. San Pioquinto, Malvar, Batangas.

Kinilala ng Malvar Municipal Police Station ang suspek na si Jefferson Matalang, 36-anyos, at residente ng naturang barangay.

Sinabi sa Brigada Batangas ng naturang himpilan, nagawang mapatay ng suspek ang helper na si Mark Jefferson Reyes, 34-anyos, matapos nitong suntukin sa ulo at bugbugin pa ng ilang beses matapos na matumba sa lupa.

Nag-iinuman lamang ang dalawa kasama ang iba pang mga katrabaho nang magkasagutan ang mga ito dala ng kalasingan at nauwi sa panununtok.

Matapos makitang hindi na gumagalaw sa lupa ang biktima ay dinala ito ng suspek katuwang ang iba pang mga katrabaho sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.

Nagawang maaresto sa ospital ang suspek at nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad na mahaharap sa kasong Homicide.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *