PNP, may lead na sa pamamaslang kay Percy Lapid; Reward, umakyat na sa P1.5Million

May lead na ang mga kapulisan sa mga suspek sa pagpaslang sa kumentarista na si Percy Lapid.

Ayon kay Southern Police District Deputy Director for Operations Col. Restituto Arcangel, mayroon na silang mga footage kung saan ay nakita ang mga posibleng bumaril kay Lapid.

Kabilang na rito ang dashcam video mula sa sasakyan ng biktima.

Mayroon na rin aniya silang mga retrato kung saan ay nakita ang ‘whole body’ ng isa sa mga suspek na backride sa motorsiklong ginamit sa krimen.

Kaugnay nito, isasagawa ngayong hapon ang isang case conference para matukoy ang mga development sa kaso.

Umabot na rin sa P1.5Million ang pabuya para sa makapagtuturo sa salarin sa pamamaslang kay Lapid.

Isang milyon dito ay mula sa abugado at negosyanteng si Alexander Lopez; habang kalahating milyon naman mula kay Interior Secretary Benhur Abalos.

Sa hiwalay na panayam, tiniyak ni Abalos sa mga mamamahayag sa bansa na mapo-proteksyunan ito ng mga otoridad.

Hinikayat din ng Kalihim ang mga mediamen na kaagad mag-ulat sa mga kinauukulan sa oras na nakatatanggap na sila ng mga banta.

Southern Police District, inaasahan ang magandang development sa kaso

Inaasahang magiging maganda sa mga susunod na araw ang development sa kaso ng pagpatay kay Lapid.

Ito ang tiniyak ni SPD Director Police Col. Kirby Kraft matapos silang makakuha ng mga karagdagang CCTV footages para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek sa shooting incident.

Ayon kay SPD Director Police Col. Kirby Kraft, pinagtatagpi-tagpi nila ang mga nakuhang CCTV footages para malaman kung ang nakita ba nila sa CCTV ay siya ngang suspek sa pagpatay.

Kaugnay nito, iginiit ni Col. Kraft na kailangan ng enhancement ng Anti-Cyber Crime Group ukol sa naturang kaso.

Nang matanong naman si Kraft kung mayroon nang person of interest sa nangyaring pamamaril, sinabi nito na patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon at mayroon silang process of elimination ukol dito.

Bukod dito, sinabi rin ni Kraft na tinitingnan nilang lahat ng anggulo ukol sa tunay na motibo sa pagpatay kasama na kung ito ba ay personal grudge o may kinalaman sa trabaho ni Lapid.

Samantala, tiniyak naman ni Kraft na sa kabila ng nangyari ay patuloy lamang nilang babantayan ang mga mamamahayag dahil naniniwala sila na kasama lagi ang media sa kanilang trabaho.
#

RELATED STORIES:

PNP, ‘di isinasantabi ang anggulong ‘work-related’ ang pamamaslang kay Percy Lapid

NUJP, NPC, kinundena ang pamamaslang kay Percy Lapid

PBBM ipinag-utos ang imbestigasyon sa pananambang sa broadcaster na si Percy Lapid

Abalos nag-alok ng P500K para sa impormasyon ng mga suspek na pumaslang kay Percy Lapid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *