Pulis, nakipaglaban sa NPA na nang-ambush sa kaniya; isa sa suspek tiklo sa checkpoint

SORSOGON CITY – Sugatan pero nakalaban ang isang pulis sa mga hinihinalang miyembro ng rebeldeng grupong NPA na nang-ambush sa kaniya sa Sitio Bolo Diot, Brgy Titong sa lungsod ng Masbate.

Kinilala ang pulis na tinangkang tambangan na si PSSG Rey Andaya, nakatalaga sa Masbate City Police Station. Kinilala naman ang isa sa suspek na si Enrico Carmona Pepito, 57-anyos, may asawa, walang trabaho at naninirahan sa Brgy Cawayan Exterior, Masbate City.

Batay sa ulat, matapos ang insidente ng pananambang ay agad na nagkasa ng hot pursuit operations at checkpoint ang mga awtoridad at sa kahabaan ng provincial road ng nasabing Sitio ay na-flagged down nila ang isang Bajaj na motorsiklo na walang plate number at minamaneho ng nasabing suspek.

Habang biniberipika ang sasakyan nito ay napansin ng mga pulis ang hand grip ng isang kalibre 38 na baril na nakasukbit sa baywang nito.

Walang naipakitang permit at dokumentos sa baril ang suspek kung kaya’t tuluyang inaresto ito.

Ang baril ay kargado ng 5 bala at nakalagay sa isang brown holster.

Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kasong isasampa dito habang si PSSG Andaya ay nagpapagaling na ng kanyang sugat sa tiyan sa ospital.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *