Ramming incident sa Bajo De Masinloc, malabong maging aksidente ayon sa isang kongresista

Naniniwala si AGRI Party-list Representative Wilbert Lee na isang insidente ng “hit-and-run” ang pagbangga ng oil tanker sa fishing vessel sa Bajo De Masinloc na ikinasawi ng tatlong mangingisda.

Ayon kay Lee, dapat ay bigatan ang parusa sa nakabanggang barko dahil iniwan nito ang mga biktima at hindi man lang tinulungan.

Ipinunto nito na kung itinuturing ito na aksidente ay sinuri sana ng mga tauhan ng oil tanker kung may nasugatan o napinsala sa bangka, pero sa halip ay tinakbuhan ang responsibilidad.

Panawagan ni Lee sa gobyerno na gawin ang lahat upang makamit ng mga naulilang pamilya ang hustisya sa pagkasawi ng mga mangingisda.

Samantala, binigyang-diin naman ni House Speaker Martin Romualdez ang kahalagahan ng international cooperation at pambansang pagkakaisa upang matiyak ang ligtas na paglalayag sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Sinabi ni Romualdez na sa ganitong panahon ay kailangang manaig ang maritime laws at international principles kasabay ng pagbibigay ng prayoridad sa kapakanan ng mamamayan na nasa karagatan.

Kapwa nagpaabot ng pakikiramay sina Lee at Romualdez sa mga naiwang pamilya at hangad ang mabilis na pagresolba sa insidente lalo’t mismong si Pangulong Bongbong Marcos na ang nag-utos sa Philippine Coast Guard na imbestigahan at panagutin ang mga may sala.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *