Sandiganbayan, pinagtibay ang arrest warrant at graft case laban kay Faeldon

Pinagtibay ng Sandiganbayan 5th Division ang kasong rice smuggling na inihain ng Office of the Ombudsman laban kay dating Bureau of Customs commissioner Nicanor Faeldon, at pati na rin ang arrest warrant na inisyu laban sa kaniya.

Sa 37-pahinang resolusyon na may petsang September 16, ay sinabi ng Sandiganbayan na ibinasura nito ang urgent omnibus motion ni Faeldon para sa pag-recall ng arrest warrant laban sa kaniya, at pagbasura sa dalawang kaso ng graft dahil sa kakulangan sa merito.

Nag-ugat ang kaso ni Faeldon sa paglalabas ng BOC ng P34-million na halaga ng smuggled Vietnamese rice mula sa Port of Cagayan de Oro noong 2017.

Nagsisilbi bilang mga kapwa akusado ni Faeldon si district collector Tomas Alcasid at ang CLTI corporate officers at board directors na sina Lucio Roger Lim Jr., Abrosio Ursal at Rowena Lim.

Una nang itinakda ng Fifth Division ang pyansa ni Faeldon sa P90,000 sa bawat kaso na kinahaharap nito, o P180,000 sa kabuoan.

Gayunman, base sa records ng anti-graft court kahapon, ay lumalabas na hindi pa nakakapaglagak ng pyansa si Faeldon habang nakapagbayad na ng pyansa ang tatlo nitong kapwa-akusado para sa mga pansamantalang kalayaan nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *