“Techie” na pasahero, hi-nack ang website ng sinakyang eroplano para mahanap ang nawawalang luggage

Ginamit ng isang pasahero ng IndiGo Airlines ang kanyang technology skills nang sinubukan nitong i-hack ang website ng sinakyang eroplano para mahanap ang nawawala nitong luggage matapos itong aksidenteng maipalit sa ibang bag.

Ayon kay Nandan Kumar, isang software engineer, napilitan siyang i-hack ang website ng sinakyang eroplano dahil hindi umano siya tinulungan ng nasabing paliparan para mahanap ang nawawala niyang bag.

Aniya, ilang beses niyang tinawagan ang airlines at humingi ng tulong sa Interactive Voice Response (IVR) nito, ngunit tumanggi itong ibigay ang mga personal na detalye ng mga pasahero dahil sa “privacy purposes” pero nangakong tutulungan siya, ngunit hindi na umano ito nag follow-up sa kanya.

Dahil sa mabagal na tugon ng nabanggit na paliparan, umiral ang “developer instinct” ni Kumar kung saan hinanap niya ang Passenger Name Record (PNR) ng pasaherong nakapalitan niya ng bag sa pag-asang makakabalik ito sa kanya.

Dagdag pa rito, sa pamamagitan ng “F12” button ng computer at developer console, nakapasok nga si Kumar sa website ng IndiGo Airlines, kung saan nahanap niya rito ang cellphone number at email ID ng pasaherong nakapalitan niya ng bag na kalaunan ay nagpasyang makipagkita sa kanya para makipagpalitan na ng bag.

Inabisuhan ni Kumar ang IndiGo Airlines na paigtingin ang kanilang website dahil may mga sensitive data na maaari umanong mag-leak at gawin din umanong user-friendly at pro-active ang kanilang customer service.

Samantala, pahayag naman ng IndiGo Airlines na mahigpit na ipinapatupad ng kanilang tanggapan ang privacy policy, at sinubukan din umano ng kanilang customer care agent na mag areglo ng conference call para matulungan si Kumar.

Humingi naman ng paumanhin ang paliparan sa mabagal na tugon ng kanilang kompanya.### RHODA REODIQUE, Intern

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *