Turismo sa ilang bayan sa Camarines Sur, dahan-dahan nang binubuksan ng mga LGU

NAGA CITY—Matapos ang ilang linggong pagsasara, inanunsyo ng ilang LGU sa Camarines Sur na bukas na muli ang kanilang turismo kasunod ng bahagyang pagbaba ng kanilang COVID-19 cases.

Ayon kay MDRRMO Chief Donato Panoy ng LGU Sagñay, gradually o dahan-dahan na nilang binubuksan ang mga tourist destination sa kanilang lugar partikular ang mga beach resorts.

Bagamat hindi pa fully-operational dahil nagpapatuloy pa ang isinasagawang inspeksyon ay makakaasa naman aniya ang mga nasa sektor ng turismo na magbabalik sigla muli ang kanilang hanapbuhay basta siguraduhin lang na tatalima sa mga ipinapatupad na health protocols.

Sa Calabanga, balik-operasyon narin ang mga resorts at reception halls pero kailangan sumunod sa 50% capacity habang bawal parin ang mga billiard halls, videoke bars at iba pang recreational facilities.

Ganito rin ang patakaran sa Garchitorena at Caramoan kung saan mahigpit na pinapasunod ang minimum health standards sa lahat ng mga pumapasok na turista.

Ayon sa ilang Mayor ng nabanggit na mga bayan, umaaray na kasi ang mga resort owners sa kanilang lugar dahil sa bukod sa hindi pa sila nakakabawi sa pagkalugi noong isang taon bunsod ng pandemya, limitado parin ang kapasidad kada araw ang dapat nilang i-accommodate pero mas maigi na raw ito kaysa walang kita.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *