2 siklista ng Ronda Pilipinas, sugatan sa aksidente

SORSOGON CITY – Dalawang siklista ang nagtamo ng pinsala sa katawan matapos maaksidente sa kick off ng Ronda Pilipinas sa lalawigan ng Sorsogon.

Kinilala ang dalawang Novo Ecijanon na sina Xyrus de la Cruz, 19 anyos ng Brgy. San Ricardo, bayan ng Talavera at si John Patrick Pagtalunan, 19 anyos ng Brgy. Mallorca ng San Fernando.

Nakilala naman ang driver ng jeep na si Mayorico Gaon Givera, 39 anyos ng Brgy. Hidhid, Matnog, Sorsogon.

Dakong a las 2:30 ng hapon, Marso 11 nang binabaybay na ng mga koponan ang ruta pabalik ng Sorsogon City para kumpletuhin ang Stage 2 ng karera.

Ayon sa ulat ng pulisya, nasa maling lane umano ang mga siklista kasama ang motorcycle marshal, habang nasa sharp curb sa bahagi ng National Highway ng Brgy. Buhatan, at na-okupa ang kabilang lane.

Pasalubong naman umano ang jeep na may rutang Matnog, at aksidenteng nahagip ang dalawang siklista na kapwa tumilapon sa kalsada.

Nagawa namang tapusin pa ni Pagtalunan ang karera sa kabila ng aksidente, habang napuruhan si De la Cruz na bumagsak ilang hakbang mula sa pinangyarihan ng aksidente.

Nagtamo ng seryosong pinsala sa katawan ang huli at dinala sa ospital para sa agarang lunas.

Kasong Reckless Imprudence Resulting to Injury ang kahaharaping asunto ng driver ng jeep.

Ngayong araw, Marso 12 din ang huling araw ng 13 koponang kalahok sa lalawigan.

Eksaktong a las 9 :00 ng umaga nang lumarga ang Stage 3 papuntang Legazpi City para ituloy ang nalalabi pang stages ng laro.

PHOTO: DWAEN Entertainment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *