22 HD CCTV cameras, inilalagay ngayon sa iba’t-ibang bahagi ng Virac, Catanduanes kasunod ng umano’y mga insidente ng nakawan sa bayan

Virac, Catanduanes—Kasunod ng mga napaulat na insidente ng nakawan ng helmet at compartment sa mga motorsiklo nitong mga nakaraang araw, inihayag ng hepe ng Virac Municipal Police Station na si PMaj. Antonio Perez na nasa 22 high definition CCTV cameras ang kasalukuyang ini-install ng LGU sa iba’t-ibang bahagi ng nasabing bayan.

Ayon sa opisyal, nagpapatuloy ngayon ang paglalagay ng mga CCTV sa iba’t-ibang barangay ng Virac partikular sa mga pampublikong lugar.

Layunin nitong masugpo ang anumang uri ng kriminalidad na magaganap sa kabiserang bayan at inaasahan na makakatulong ito sa anumang imbestigasyon na isasagawa ng PNP sa mga susunod na panahon.

Ang nasabing  proyekto ng LGU ay nilaanan ng pondong P2.1-Million sa ilalim ng Peace and Order and Public Safety Plan Fund. Bukod sa pagiging high definition, may kakayahan umano itong maging malinaw sa kabila ng pag zoom-in ng ilang metro at maaari ring pagalawin ng 360 degrees.

Sa ngayon, ay nasa sampung CCTV cameras na ang tapos nang ma-install at nagagamit na ng PNP habang inaasahan namang matatapos sa mas lalong madaling panahon ang paglalagay ng natitirang iba pa.

Matatandaang nitong mga nagdaang araw ay una nang naiulat ang umano’y mga insidente ng nakawan sa bayan ng Virac ngunit inihayag ng PNP na wala silang pormal na reklamo o blotter na natanggap hinggil dito.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *