5 solar pump project ng NIA REGION 2, pinasinayaan

Pinasinayaan at pormal nang ipinasakamay sa mga Irrigators Association ngayong araw ng National Irrigation Admnistration Region 2 ang limang solar pump project na pinondohan ng 11,750,000 pesos.

Ito ay pinangunahan ni NIA Regional Manager Engr. Raymundo Apil, Nia Senior Deputy Aministrator Retired BGen Abraham Bagasin, NIA Isabela Division Manager Engr. Felipa Sumer, ilang opisyal ng LGU- Cauayan City, mga presidente ng Irrigators Association at miyembro nito.

Ayon kay NIA-Isabela Division Manager Engr. Felipa Sumer, ang nasabing mga solar pump project ay kinabibilangan ng Calanigan at Bagabag SPIP sa Sto. Tomas, Isabela, Malasin SPIP sa Angadanan, Cabannugan SPIP sa City of Ilagan at East Tabacal SPIP Phase 2 sa brgy. San Pablo Cauayan City.

Bawat solar pump irrigation project ay mayroong tiglimang magsasaka  na benepisaryo nito.

Aniya, ito ay bilang bahagi ng layunin ng ahensiya na makapagbigay ng maayos na serbisyo ng patubig sa mga magsasaka.

Dagdag pa ni Engr. Sumer, ang solar powered irrigation ay hindi na gagamitan pa ng fuel o electricity, madaling gamitin, hindi naglalabas ng greenhouse gases at upang matugunan ang pangangailangan sa patubg ng mga magsasaka.

Nagpasalamat naman si Col. Melecio Asis Jr. ang presidente ng east tabacal irrigators association sa pamunuan ng NIA sa ibinigay na dalawang solar pump irrigation na ngayo’y napapakinabangan na ng mga magsasaka sa Brgy. San Pablo at Villa Luna.

Malaki anya itong tulong para sa patubig sa kanilang sakahan dahil noon ay umaasa lamang ang mga ito sa tubig-ulan upang makapagtanim.

Samantala, pinuri naman ni Senior Deputy Administrator BGen. Abraham Bagasin ang kooperasyon ng local na pamahalaan ng Cauayan City at NIA Region upang maisakatuparan ang naturang mga proyekto na makatutulong sa maayos na daloy ng tubig para sa mga magsasaka.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *