6 na anti-personnel mine ng NPA nahukay ng militar

SORSOGON CITY – Nahukay ng tropa ng pamahalaan ang isang drum na naglalaman ng mga pampasabog sa boundary ng bayan ng Irosin at Sta. Magdalena, sa lalawigan ng Sorsogon.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang mga awtoridad tungkol sa Anti-Personnel Mine (APM) na sinasabi umanong pag-aari ng tinaguriang Communist Terror Group.

Sa inilunsad na operasyon, nadiskubreng nakalagay sa isang plastic drum at nakalibing ang anim na command-detonated APM at kinailangang hukayin ang mga ito.

Sinabi naman ng battalion commander ng 22nd Infantry Battalion na si Ltc Nelson Mico, na paglabag umano ito sa International Humanitarian Law at Human Rights, pati na rin sa Ottawa Treaty Convention, kung saan ipinagbabawal na ang paggamit, paggawa, pag-impok at pagtransporte ng mga nabanggit na armas.

Panawagan pa nito na talikuran na ang armadong pakikibaka at magbalik-loob na sa pamahalaan at magbagong buhay. Samantalahin na lamang umano ang programa ng pamahalaan sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *