Alitan ng 2 pamilya, nauwi sa pamamaril; 2 patay, isa sugatan

SORSOGON CITY – Humantong sa pamamaril ang matagal na umanong away ng dalawang pamilya na magkapitbahay lamang sa Brgy Talisayan, Pto Diaz, Sorsogon.

Kinilala ng hepe ng Pto Diaz Municipal Police Station na si PLt Rhodora Freo ang mga nasawi na sina Rhey Wellhim Diaz Obejas, residente ng nasabing barangay at Henry Detecio naninirahan sa Brgy San Ramon ng parehong bayan. Sugatan naman ang ina ni Rhey Wellhim na si Norma Diaz Obejas, 64-anyos isang biyuda.

Ang mga suspek ay nakilalang sina Jaymar Bernisca Betito, 29-anyos, binata, trucking crew at ang kapatid nito na si Jayson, truck driver at parehong naninirahan sa nasabing barangay.

Sa pahayag sa Brigada News ni chief of police Freo, sinabi nito na nangyari ang pamamaril dakong alas 2:50 ng umaga, Mayo 20 subalit nakarating sa kanila ang report dakong alas 3:30 kaninang umaga.

Nakahandusay at wala nang buhay nang madatnan nila ang mga biktima sa naturang lugar, habang ang sugatan ay naitakbo sa ospital.

Ang suspek na si Jaymar Betito ay nahuli ng mga Barangay Tanod at narekober dito ang isang kalibre 45 na pistola na walang magazine at isang kalibre 38 na revolver na walang bala.

Agad namang nagkasa ng hot pursuit operations ang mga pulis sa nakatakas na si Jayson Betito kasabay ng pag-alarma sa iba pang police station.

Una rito, nagkaroon umano ng pagtatalo ang asawa ni Jayson na si Neneth Betito at Norma Obejas. Sa puntong ito ay lumabas si Rhey Wellhim para mamagitan sana sa dalawa subalit sinalubong ito ng sunod-sunod na putok ng baril. Nadamay naman ang nakiki-fiesta sa pamilyang Obejas na si Henry Detecio.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *