Alpha variant, nananatiling dominant sa region 2

Nananatiling dominant ang COVID-19 Alpha variant o B.1.1.7 sa Region 2 na nangangahulugang sa mga naitalang kaso ng COVID-19 sa rehiyon ay pinakamarami pa rin ang tinamaan nito.

Ito ang kinumpirma ni Dr. Nica Taloma, Head ng Collaborating Center for Disease Control and Prevention ng DOH-RO2 sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.

Aniya, mayroong apat na variant of concerns sa rehiyon na kinabibilangan ng Delta, Alpha, Beta at Theta o P3 Variant.

Ayon kay Dr. Taloma, mula sa nasabing mga variant of concern ay pinakamaraming naitalang kaso ang Alpha variant ngunit nakikitaan umano ng pagtaas din ng kaso ang delta variant.

Nilinaw naman niya na sa ngayon ay wala nang aktibong kaso ang rehiyon sa apat na nabanggit na variant of concern.

Kaugnay dito, mayroon nang naitalang 377 na recovered, 26 na nasawi at may kabuoang kaso na 403 ang apat na variants as of September 2, 2021.

Kabuoang 72 na munisipalidad naman sa Region 2 kung saan 27 sa Cagayan, 6 sa Quirino, 30 sa Isabela at siyam (9) sa Nueva Vizcaya ang apektado ng local case ng naturang mga variant ng COVID-19.

Samantala, umabot na sa 76.09% ang health care utilization rate ng rehiyon kung saan naitalang  nasa high risk na ito.

Ang ICU beds sa rehiyon ay nasa critical risk na matapos maokupa ang 87.86%, COVID ward beds at isolation beds ay nasa pareho nang nasa high risk habang nananatili naman sa low risk ang mechanical ventilator.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *