Bacteria sa soil samples ng Bulkang Mayon nakitaan ng antibiotic at anti-cancer potential ng mga UP researchers

BICOL—Pinag-aaralan ngayon ng mga manananaliksik mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang ilang bacterial species mula sa lupang kinuha sa Bulkang Mayon matapos itong makitaan ng potential antibiotic at anticancer potential.

Tinukoy ang bacterial isolate na ito bilang Streptomyces sp. A1-08 na ayon sa mga researchers nagpakita ng antibiotic activity laban sa iba’t-ibang potentially pathogenic microorganisms at anti-colorectal cancer potential. Isa ito sa 30 bacteria mula sa soil samples na kinuha sa bulkan sa bahagi ng Malilipot, Albay.

Ayon sa project leader na si Asst Professor Kristel Mae Oliveros ng UPLB Microbiology Division, umasa sila na makakakuha ng bagong specie sa mga soil samples sa bulkan dahil isa itong less explored environment o hindi gaanong pinag-aaralan. Nagulat umano sila nang makita ang resulta ng kanilang eksperimento.

Ayon sa coworker ni Oliveros na si Albert Remus Rosana na isang PhD student sa University of Alberta, Canada, oras na makumpirma na isa nga itong bagong specie ng Streptomyces sp. A1-08 ay papangalanan nila itong “Streptomyces mayonensis A1-08” bilang pagkilala sa bansa na ito ay unang natuklasan sa Bulkang Mayon.

Nasa 30 bacterial species ang unang inihiwalay ng mga mananaliksik mula sa volcanic soils ng Mayon kung saan 13 nito ay nakitaan ng iba’t-ibang antibiotic activities sa magkakaibang test organisms gaya Salmonella enterica serovar Typhimurium, Klebsiella pneumoniae, Staphylococcus aureus at ang methicillin-resistant variant nito, Candida albicans, Aspergillus niger, at isang hindi tinukoy na Fusarium species.

Ayon kay Oliveros, pumili sila ng test organisms na kakatawan sa pangunahing grupo ng microorganisms kabilang ang bacteria, yeasts, at molds upang magkaroon ng mas malawak na antimicrobial spectrum result.

Base umano ito sa listahan ng World Health Organization (WHO) ng mga human pathogens na mapanganib sa kalusugan ng tao dahil sa antibiotic resistance nito para sa taong 2050.

Ipinagpapalagay umano ngayon ng research team na dahil nabuhay ang 30 bacterial isolates na ito sa kapaligirang gaya ng volcanic soil ay posibleng may taglay ang mga itong kakaibang chemical compounds na mapapakibangan sa larangan ng medisina at maging sa cosmetics.

Maliban dito, ang Streptomyces species ay kilala rin sa paglikha ng mga produktong pangmedisina.

Sakaling magtagumpay ang pag-aaral, makikilala ang Bulkang Mayon hindi na lamang dahil sa pagiging perfect cone nito kundi bilang lugar kung saan unang natuklasan ang isang kapaki-pakinabang na panibagong Streptomyces specie.###  || slm

Photo courtesy: George Tapan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *