Blended learning system, naging matagumpay sa Batangas City

BATANGAS CITY – Inihayag ng Department of Education (DepEd), School Division Office Batangas City na naging matagumpay ang blended learning system sa lungsod.

Ayon kay Schools Division Superintendent Dr. Zaldy Bolaños, mahalaga ang papel na ginampanan ng mga magulang sa matagumpay na implementasyon ng blended learning system sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan sa lungsod.

Sinabi ni Dr. Bolaños na noong una ay nahirapang mag adjust ang mga guro, estudyante at kanilang mga magulang sa nabanggit na sistema.

Pero dahil aniya sa kooperasyon at pagtutulungan ng mga ito, naging maayos ang school year 2020-2021 na magtatapos na sa July 10-15.

Dagdag pa ni Dr. Bolaosñ na malaking tulong ang pakikiisa ng mga magulang sa online meetings  at trainings ng schools division office (SDO)  hinggil  sa  tamang paggabay sa mga online classes sa mga learners kung saan kahit aniya working parents ay naglalaan ng panahon upang makadalo sa virtual meeting at mga isinasagawang huntahan o kumustahan.

Malaki rin aniya ang naging responsibilidad at sakripisyo ng mga guro mula sa paghahanda ng modules at iba pang materials, muling pagkuha, pagtse-tsek hanggang sa evaluation at assessment ng mga ito.

Tuloy-tuloy din sila sa pagdalo sa mga pagsasanay sa online teaching. 

May pagkakataon rin aniyang personal na pinupuntahan ng mga ito ang kanilang mga estudyante sa kani-kanilang tahanan kung ang mga ito ay hindi makadalo sa klase dahil sa problema sa internet connection.

Lubos ang pasasalamat  ng pamunuan ng School Division Office Batangas City kina  Mayor Beverley Dimacuha at Congressman Marvey Mariño  sa suportang ipinagkaloob ng mga ito partikular  ang pagpapagawa ng mga school buildings at  pagkakaloob ng mga laptop para sa mga guro at tablets naman para sa mga junior at senior high school students.

Samantala, may proposal ang SDO na magkaloob din ng tablets para sa elementary students para magamit nila sa online classes.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *