Canoreco may paalala sa mga gumagamit ng generator set sa bahay

CAMARINES NORTE- Makakaranas ng sampung oras na brown out ang ilang lugar sa Camarines Norte ngayong araw mula alas 6 ng umaga hanggang alas 4 ng hapon.

Ang mga apektadong lugar ay mula sa Barangay Talobatib hanggang Bayabas sa bayan ng Labo, buong bayan ng Capalonga at Sta Elena gayundin ang Brgy Tamisan at San Martin sa Jose Panganiban.

Magkakaroon din ng momentary interruption sa loob ng 15 minuto mula alas 6:00 hanggang alas 6:15 ng umaga at alas 4:00 hanggang alas 4:15 ng hapon sa buong lalawigan maliban sa Paracale at Jose Panganiban.

Magkakaroon kasi ng relocation of poles na apektado ng road widening project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

At dahil sa mga nangyayaring power service interruption ay may mga gumagamit ng generator set sa bahay man o opisina.

Kaugnay nito, nagpaalala ang Canoreco sa mga gumagamit ng generator sa bahay.

Dapat umanong siguraduhin na ang generator ay maayos at walang deperensya bago gamitin at dapat ito ay nasa tuyong lugar.

Ang importante rin lalo na sa mga wala pang generator set sa bahay na nagpaplanong bumili ay dapat mayroong transfer switch na naka install.

Kailangan kasing i- off ang main switch bago i- on ang generator switch.

Kapag naka- on kasi ang generator at walang transfer switch ay posible umanong mag feed- back ang kuryente mula sa una papunta sa main line.

Delikado umano ito hindi lang sa mga nakatira sa bahay kundi maging sa mga linemen ng Canoreco.

Sa tuwing nagkakaroon kasi ng mga power interruption at nagkataong ang linyang inaayos ng mga linemen ay may malapit na generator sa lugar kung saan sila nag aayos ay maaari umano itong maging dahilan ng disgrasya kapag walang transfer switch.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *