Daan-daang OFWs, na-stranded sa NAIA matapos suspendihin ng DOLE ang deployment sa Saudi Arabia

Na-stranded ang tinatayang nasa 500 Overseas Filipino Workers sa Terminals 1 at 3 ng Ninoy Aquino International Airport  matapos suspendihin ng gobyerno ang deployment ng OFWs sa Saudi Arabia.

Base sa inisyu na kautusan ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), ay ipinatupad ang deployment ban simula noong May 27 matapos mapaulat na pinasasagot sa mga OFWs ang halaga ng quarantine at iba pang health protocols sa oras na dumating sila sa Saudi Arabia.

Nasa mahigit 100 OFWs na papuntang Riyadh at Dammam sa Philippine Airlines flights ang pumila sa mga counter ng NAIA simula pa kahapon, dahil sa kahihintay nila ng clearance mula sa DOLE.

Umapela naman kay Bello ang recruitment specialist na si Lito Soriano, presidente ng LBSE-Recruitment Solutions, na irekonsidera ang kautusan, dahil maapektuhan nito ang daan-daang OFWs na nakatakdang umalis ngayong linggo at sa mga darating pang mga linggo.

Ipinunto ni Soriano na tanging ang POEA governing board o si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang maaring magdeklara ng ban o magpahinto sa deployment.

Iginiit rin ni Soriano na sa ilalim ng Republic Act 10022, ang suspensyon o ban sa deployment ay inihahain ng POEA board sa pamamagitan ng isang resolusyon at hindi ng DOLE Secretary na mag-isang kumikilos, kahit pa nagsisilbi ito bilang board chairman.

Inalmahan rin ng mga abogado ng maraming recruitment agencies ang internal order, kung saan ay kinwestyon nila kung kanino nanggaling ang mga ulat ng paglabag at kung dumaan ba ito independent na cross validation.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *