DOH, FDA, magpapadala ng reports sa PRC kaugnay sa invalid prescriptions sa Ivermectin

Inanunsyo ng Department of Health at ng Food and Drug Administration na magpapadala sila ng report sa Professional Regulation Commission kaugnay sa mga natanggap nitong ulat ng pekeng ivermectin prescriptions na ipinamahagi sa publiko.

Sa pahayag ng DOH at FDA ay sinabi nito na opisyal nilang ieendorso ang lahat ng mga ulat sa PRC para maimbestigahan kung totoo ang mga ulat at para mapatawan ng sanctions ang mga lumabag kung kinakailangan.

Katulad naman ng mga naunang pahayag ng ibang medical at pharmacist associations ay ipinaalala ng ahensya sa publiko na ang valid prescription ay dapat naglalaman ng petsa ng prescription, pangalan ng pasyente, edad, at kasarian.

Dapat rin ay meron itong pangalan, office address, at professional regulation number ng isang doktor.

Matatandaan noong Huwebes ay pinangunahan ng dalawang mambabatas ang distribusyon ng anti-parasitic drug sa mga residente ng Quezon City.

Sa ilang mga litrato ay makikita na nabigyan ng prescriptions ang mga residente na nakasulat lamang sa isang bond paper na walang pangalan o impormasyon ng kahit sinong doktor.

Pwede naman maiulat sa PRC ang mga invalid prescriptions habang ang adverse reaction naman mula sa isang gamot ay pwedeng maiparating sa FDA sa telephone number na (02) 8809-5596 o sa [email protected]

Leave a Reply

Your email address will not be published.