DSWD-Bicol muling nagbigay ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Masbate

SORSOGON CITY – Pinasalamatan ng mga biktima ng sunog ang kanilang kababayan at bagong upong regional director ng DSWD-Bicol na si Norman Laurio sa muling pagpapadala sa kanila ng tulong.

Kahapon, ay muling nakatanggap ng tatlong non-food packs ang 48 pamilya na biktima. Kinabibilangan ito ng Family Kit, Kitchen Kit at Sleeping Kit at tig-iisang 420 meters na laminated sacks o trapal.

Una rito, matapos ang nangyaring sunog noong Setyembre 9 sa Brgy Nursery, lungsod ng Masbate, agad na nagbigay ng tig-dalawang food packs at hygiene kit ang nasabing ahensya habang ang City LGU ay agad na nagbigay ng P5k ayuda at relief goods sa mga biktima.

Noong Lunes, Setyembre 12 ay nagsagawa naman ng case study ang City SWD para madetermina kung ilang pamilya ang nagkaroon ng totally damaged at partially damaged na bahay. Matapos nito ay agad nagkaloob ng P10K para sa totally damaged houses habang P5K naman para sa pamilya na partially damaged ang mga bahay.

Itinaon naman ng City LGU sa kaarawan ni Pang. Bongbong Marcos noong Martes, Setyembre 13, ang pamimigay ng Jollibee food packs sa mga bata na nasunugan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *