DSWD tiniyak ang kalidad ng ipinamamahaging family food packs sa mga lockdown areas sa Bicol re: COVID-19

BICOL—Siniguro ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ang maayos na kalidad ng mga family food packs na kanilang ipinamamahagi sa mga lockdown areas sa rehiyon dulot ng COVID-19 pandemic.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Regional Director Leo Quintinilla, inihayag nito na upang matiyak ang kalidad ng mga naturang food packs ay pinapatingnan na nila ito sa mga benepisyaryo sa distribution area upang masigurong kumpleto at maayos ang laman.

Ito ay upang maiwasan na rin ang mga reklamo hinggil sa sira o bulok nang mga goods tuwing nagkakaroon ng food packs distribution.

Kaugnay nito ay binigyang-diin ng opisyal na bawal na bawal buksan ng iba ang mga nakakahong food packs sa gitna na rin ng mga dating reklamo noon na kulang-kulang na ang laman ng FFPs na nakakarating sa mga benepisyaryo.

Ang bawat kahon ay naglalaman ng anim na kilong bigas, sampong de lata, at sampong sachet ng kape o cereals. Maaari rin umano itong magkaiba-iba depende sa procurement at stock na nakalaan sa isang lugar.

Sapat sa dalawa hanggang tatlong araw na konsumo para sa isang pamilyang may limang miyembro ang mga laman nito kaya’t para sa pitong araw na augmentation sa pamilyang naka lockdown, tatlong food packs ang ibinigay ng DSWD para sa kanila.

Kung malaki naman umano ang pamilya at talagang wala namang ibang pagkukunan dahil naka lockdown, maaari rin itong dagdagan para sumapat sa pitong araw.

Base kasi sa Memorandum circular No. 11 ng DSWD, ang huling pitong araw ng 14 days granular lockdown ang siyang sasagutin ng ahensya habang ang unang pitong araw ay sa mga LGU.### || slm, with reports from BNFM Legazpi

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *