ex-PRRD – ipatatawag sa Kamara

Posibleng imbitahan ng Kamara si dating pangulong Rodrigo Duterte sa gagawing pagdinig ukol sa umano’y gentleman’s agreement nito kay Chinese President Xi Jinping sa isyu ng BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.

Ayon kay Zambales Representative Jefferson Khonghun, pag-uusapan ng liderato kung padadaluhin sa congressional inquiry si Duterte dahil may mga opisyal din naman itong kasama nang maganap umano ang pulong.

Kabilang na rito sina dating AFP Chief-of-staff at DILG Secretary Eduardo Ano, dating National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. at iba pang matataas na opisyal ng Defense Department.

Giit ni Khonghun, nakapagtataka na nananahimik ang security advisers ng dating pangulo sa isyu.

Karapatan din aniya ng publiko na malaman ang detalye ng bawat kasunduan na pinapasok ng Pilipinas sa ibang mga bansa kaya mahalaga ang oversight functions ng Kamara na tutukoy kung may nalabag na batas ang Executive branch.

Samantala, naniniwala ang kongresista na kahit verbal at non-binding ang gentleman’s agreement sa China ay may “symbolic significance” at epekto pa rin ito sa pambansang interes at soberanya ng bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *