Hindi pagsusuot ng Seat belt at paggamit ng hindi awtorisadong helmet nangunguna pa rin sa karaniwang violations ng mga motorista.

CAMARINES NORTE- Nangunguna pa rin ang hindi pagsusuot ng Seat Belt at paggamit ng hindi awtorisadong helmet sa mga karaniwang paglabag ng mga motorista sa kabila ng halos araw- araw na operasyon ng Philippine National Police Highway Patrol Group at ng local traffic enforcers.

Kahapon, karamihan sa mga nahuli at naisyuhan ng ticket sa One Time Big time joint Operation ng HPG, Land Transportation Office (LTO) at local traffic enforcers sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Pamorangon dito sa Daet ay ang mga lumabag sa Seat belt Law na nasa 20 gayundin ang pagamit ng hindi awtorisadong helmet na may parehong bilang.

Sa datos ng LTO noong 2021 na naiulat ng media, paglabag ng mga motorista sa Seat belt Law ang pangunahing batas sa lansangan na may pinaka maraming kaso.

Ang mga driver ng pampasaherong sasakyan ang karamihang hindi nagsusuot ng seatbelt lalo na ang mga driver ng passenger jeepney.

Paalala ng LTO hindi dapat ipagwalang bahala ang pagsusuot ng seat belt habang nasa loob ng sasakyan dahil  ito ay  isang paraan ng pagprotekta at pangangalaga sa buhay ng bawat motorista at mga pasahero.

Nagpaalala naman  ang HPG sa mga nagmomotorsiklo na magsuot ng standard helmet hindi lang para iwas huli kundi para na rin sa kanilang kaligtasan.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009, mandatory ang pagsusuot ng helmet ng mga nagmamaneho ng motorsiklo gayundin ang angkas  nito, malapit man o malayo ang pupuntahan.

Ang lalabag ay pagmumultahin ng Php 1,500 hanggang Php 10,000 at maaari ring kumpiskahin ang lisensya.

May mga natiketan din dahil sa iba’t- iba pang paglabag.

Aabot sa 91 ticket ang inisyu ng operating team na karamihan ay Traffic Citations Ticket na may mas mababang multa na nasa 80 habang 11 naman ang naisyuhan ng Temporary Operator’s Permit na mas mabigat ang penalidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *