Hinihinalang NPA at mga militar nagka engkwentro sa Camarines Sur

NAGA CITY- Sunod-sunod na putok ang narinig ng mga residente sa Barangay Camagong, Tinambac Camarines Sur pasado alas-9 ng umaga nitong Miyerkules Abril 6, 2022.

Sa inisyal na impormasyon, rumisponde ang tropa ng pamahalaan dahil sa ulat ng presensya ng mga rebelde, nakasagupa ng mga miyembro ng 83rd Infantry Battalion at 501st Regional Mobile Force Company ang tinatayang nasa 20 na hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA).

Sinabi sa Brigada News FM Naga ni PMaj. Dino Regaspi , hepe ng Tinambac PNP na sa impormasyong nakuha ng PNP sa counterpart sa 9th Infantry Division Philippine Army nabatid na walang nasugatan sa panig ng pamahalaan at hindi matukoy kung mayroon sa makakaliwang grupo sa nasa 10-minutong bakbakan.

Nabahala ang mga residente dahil tinatayang isang kilometro lamang ang layo sa mga kabahayan ng pinanggagalingan ng putok.  Nasa limang kilometro lamang ang layo sa sentro ng bayan ayon pa kay Regaspi.  Kinausap na nila ang mga barangay officials lalo’t baka may mga batang ma-trauma sa kanilang narinig.

Kaliwa’t-kanang check point naman ang inilatag ng PNP.

Una nang sinabi sa BNFM Naga ng PNP Tinambac na ramdam nila ang presensya ng nga rebelde sa lugar ngayong papalapit ang halalan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *