House panel inendorso sa plenaryo ang panukalang magpo-protekta sa publiko laban sa mga scammer

Inendorso ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries para sa pag-apruba ng plenaryo ang panukalang naglalayong protektahan ang publiko mula sa iba’t ibang cybercrime scheme sa pamamagitan ng pag-regulate sa paggamit ng mga bank account at e-wallets.

Ang panukalang Anti-Financial Account Scamming Act (House Bill 7393) ay ipinakilala ni Manila Rep. Irwin Tieng, at Camarines Sur Representatives LRay Villafuerte, Miguel Luis Villafuerte, Anthony Horibata, at Bicol Saro party-list.

Ipinagbabawal at pinarurusahan ng panukala ang mga financial crimes gaya ng pagiging money mule, paggamit ng social engineering scheme, at economic sabotage.

Money mule ang tawag sa personalidad na nagnanakaw, kumukuha, tumatanggap, naglilipat, o nagwi-withdraw ng pera o pondo na nanggaling sa ginawang krimen o social engineering scheme.

Ang mapatutunayang nagsilbing money mule ay makukulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at/o pagmumultahin ng P100,000 hanggang P200,000.//CA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *