Ilang botika sa Camarines Norte nagkaubusan na ng suplay ng paracetamol

CAMARINES NORTE- Nagkakaubusan na rin ng suplay ng paracetamol sa ilang botika sa lalawigan ng Camarines Norte.

Sa text message sa Brigada News FM Daet, inihayag ni Philippine Pharmacists Association (PPhA)- Camarines Norte Chapter President Cheryl Mago na mayroong botika sa Sta Elena at Jose Panganiban na wala nang suplay ng paracetamol tablet.

Ayon kay Mago nagpa- panic buying na rin kasi ang mga tao kasunod ng mga balita sa ibang lugar na nagkakaubusan na ng suplay nito.

Dahil dito nililimitahan na umano ang bilang ng paracetamol na maaring bilhin ng isang customer.

Nagkukulang na rin umano mapa- branded man o generic na gamot sa sipon, ubo at lagnat.

Pero kung nagkukulang na sa ilang bayan ay mayroon pa naman umanong suplay ng paracetamol sa Daet at Labo.

Problema ngayon ng drugstore owners ang stocks dahil wala ring mabilhang supplier at kung mayroon man ay rasyon na lang ang ibinibigay.

Nagtaas na rin daw ng presyo ang supplier maging ng mga generic na paracetamol.

Sa kabila naman ng kakulangan ng suplay sa ilang botika sa lalawigan ay mayroon pa naman umanong option ang mga tao na bumili ng generic med hindi tulad sa Metro Manila na halos wala nang mabili

Hindi naman masabi sa ngayon ng PPhA kung hanggang kailan ang ganitong sitwasyon dahil maging ang mga drugstore owner ay hindi rin umano ito napaghandaan.

Matatandaan na noong nagsisimula pa lang ang pandemya ay nagkaubusan naman ng suplay ng alcohol at ascorbic acid.

Pero ngayon lang aniya nangyari na halos lahat ay nagkaroon ng shortage ng stocks ng gamot sa sipon, ubo at lagnat mapa- branded man o generic.

Sa isang pahayag naman ay tiniyak ng Department of Health Bicol na sapat pa rin ang gamot para sa flu- like symptoms.

Batay umano ito sa quick survey na ginawa ng ahensiya para ma identify ang status ng suplay ng paracetamol at iba pang flu medication sa rehiyon.

Ayon sa DOH sa 857 drug stores sa Bicol region ay 134 ang tumugon sa kanilang survey kung saan 23 dito ay nagsabing wala na silang paracetamol.

Habang 14 naman sa 23 ay nagsabing wala na rin sila ng iba pang flu medications.

Kamakailan sa isang Press Conference ay inanunsiyo ni DOH Bicol Regional Director Ernie Vera na bagamat mayroong shortage ng branded paracetamol sa ilang piling drugstores ay nanatili naman aniyang available ang generic medication kasama na ang paracetamol.

Nanawagan din ang DOH sa publiko na huwag mag panic buying, hoarding at self -medication.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *