Ilang opisyal at residente ng isang Barangay sa Camarines Norte kakasuhan dahil umano sa pagkawala ng mga tubo sa isang water system project ng munisipyo

CAMARINES NORTE – Inihahanda na ngayon ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Basud, Camarines Norte ang kaso laban sa ilang opisyal at residente ng isang barangay nito makaraang madiskubre ang pagnanakaw umano ng mga tubo sa isang water system project ng munisipyo.

Nitong Lunes, sumulat si Mayor Adrian Davoco sa Sangguniang Bayan upang hilingin na mabigyan siya ng authority para i- represent ang LGU- Basud sa pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo sa korte o sa alinmang administrative body laban sa mga responsable sa sinasabing pagnanakaw.

Nadiskubre umano ito ng magkaroon ng ocular inspection ang Municipal Engineering Office at Basud PNP sa LGU water system project sa Barangay Caayunan.

Lumalabas sa imbestigasyon na nasa 400 linear meters blue plastic pipes o tinatayang nasa mahigit kumulang 66 piraso ang nawala na nagkakahalaga lahat ng mahigit sa limangdaang libong piso dahil umano sa naganap na pagnanakaw na kinasasangkutan pa man din ng ilang opisyal ng barangay at residente.

Tukoy na ang mga salarin sa di umano’y naganap na pagnanakaw pero hindi nabanggit sa sulat kung sino- sino at ilan ang mga sasampahan ng kaso.

Ang naturang sulat ay sinertipikahang “urgent” ng Alkalde na ini- refer naman ng SB sa proper committee para sa kaukulang aksyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *