Indonesian national na umano’y miyembro ng Dawlah Islamiyah at 1 pa, patay matapos ‘nanlaban’ sa mga otoridad

KORONADAL CITY — PATAY ang dalawang pinaniniwalaang myembro ng Dawlah Islamiyah Socsargen Khatiba, matapos umanong nanlaban sa mga otoridad, sa implementasyon ng warrant of arrest laban sa isang Ali Boy Nilong ng Nilong Group na nahaharap sa kasong frustrated murder.

Ayon sa mga otoridad, nauwi sa maikling engkwentro ang hot pursuit operation na isinagawa ng mga ito sa Purok Candelaria Barangay Poblacion, Tupi, South Cotabato.

Sa nasabing engkwentro, nasugatan ang kasamahan ni Nilong na si Jonny Fernandez Orangdatang, alyas George Orangdatang, 20-anyos, isang Indonesian National, at residente ng nabanggit na lugar.

Isinugod ito sa ospital ngunit binawian ng buhay habang ginagamot.

Sa hot pursuit operation ng mga otoridad sa nakatakas na mga suspek, namataan ang isa sa mga ito sa Mirabueno Farm, Purok 1, Barangay Crossing Palkan, Polomolok, South Cotabato.

Agad itong sinita ng mga pulis ngunit sa halip na sumuko, bigla umano nitong pinaputukan ang mga otoridad kung saan tinamaan ang bullet proof vest ng isang pulis.

Gumanti ng putok ang mga otoridad at nasugatan ang suspek na ideneklarang dead on arrival sa ospital.
Kinilala ito na si John Mark Orangdatang.

Nakuha naman sa pinangyarihan ng krimen ang isang riffle grenade, kalibre 38 na baril, mga basyo at bala kasama na ang dalawang sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *