Lalaki, dinukot at isinakay umano sa puting van sa Batangas

Dinukot umano ng hindi baba sa limang mga suspek na sakay sa puting van ang isang lalaki sa Brgy. 1, Cuenca, Batangas dakong alas-8:20 kagabi ng Lunes, Setyembre 26, 2022.

Sa panayam ng Brigada Batangas kay PCpt. Danilo Manalo Jr., hepe ng Cuenca Municipal Police Station, kinilala ang biktima na si Remdzen “Sandro” Laqui Sison, residente ng Brgy. Bungahan ng naturang bayan.

Ayon kay Manalo, nakatanggap sila ng tawag kagabi kaugnay sa umano’y pagdukot sa biktima at agad nila itong nirespondehan.

Batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, nasa lima o anim na mga kalalakihan ang dumukot sa biktima at sapilitang isinasakay sa puting van.

Dagdag pa ni Manalo na nire-review na umano sa ngayon ang mga kuha ng CCTV sa lugar para malaman kung saan lumusot ang mga hihinalang abductors.

Blangko pa umano sila sa motibo ng naturang mga suspek.

Samantala, sa Facebook post naman ng pamangkin ng biktima na si Nikki Sison, sinabi nitong isinakay sa Toyota Grandia Hiace ang kanyang tito kagabi maliban pa sa isang naka-standby na puti ring van.

Suot umano ng kanyang tito ang puting sando at itim na short nang ito ay dinukot.

May tattoo ito sa braso ng pangalan at rosas naman sa dibdib.

Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *