Lalaking pinakamalakas dumighay sa buong mundo, kinilala ng Guinness

AUSTRALIA— Ang pagdighay ay normal lamang na gawin ng isang tao lalo na kung busog dahil katatapos lamang kumain, uminom ng softdrinks o kaya naman ay maraming nalunok na hangin.

Ganunpaman, ang labis o madalas na pag dighay ay maaaring senyales ng maling sistema sa loob ng katawan at sintomas na pala ng mga sakit katulad ng hyperacidity, gastritis, acid reflux at iba pa.

Pero alam niyo ba na sa bansang Australia, isang lalaki ang kinilala ng Guinness World Record bilang nabubuhay na tao sa mundo na may pinakamalakas na dighay.

Kinilala itong si Neville Sharp ng Darwin Northern Territory na ayon sakanya ay bata pa lamang umano siya ay pinangarap niya nang mapabilang sa talaan ng Guinness.

Kwento pa ni Sharp, musmos pa lamang ay mayroon na siyang kakayahan na dumighay kung kailan niya man naisin, kaya naman hindi na nakakapagtakang nagawa niyang maaagaw ang titulo sa dating may hawak nito na si Paul Hunn.

Umabot lang naman kase sa lakas na 112.4 decibels ang dighay ni Sharp na maihahalintulad sa ingay ng isang chainsaw at jackhammer.

Mas malakas ito sa 109.9 decibels na naitala ni Paul Hunn na siyang may hawak ng titulo sa loob ng isang dekada.

Sa ngayon ay masaya umano si Sharp na natupad na ang kanyang matagal nang nais na maitala sa Guinness ang pangalan bilang taong may pinakamalakas na dighay sa buong mundo.### JUMEL DELA ROSA, BNFM Bicol

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *