LGU- Mercedes minamadali na ang proseso para sa pagbibigay ng ayuda kasunod ng deklarasyon ng state of calamity sa lugar

CAMARINES NORTE- Tiniyak ngayon ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Mercedes, Camarines Norte na minamadali na ang proseso para sa pagbibigay ng ayuda sa mga tao kasunod ng deklarasyon ng state of calamity sa lugar.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kaninang umaga, umapela si Mayor Alexander Pajarillo sa mga Mercedeño na maghintay lang ng kaunti pang panahon dahil may mga proseso pang pinagdadaanan.

Ito ay matapos na magsipagdagsaan kahapon ang mga tao sa munisipyo para humingi ng ayuda makaraang mabalitaan ang pagsasailalim sa Mercedes sa state of calamity.

Aniya noong Biyernes lang inaprobahan ng Sangguniang Bayan sa isinagawang special session ang hiling ng Alkalde na magdeklara ng state of calamity at ngayon naman umano ay inaayos na ang mga kaukulang proseso, bibili at magre- repack pa ng bigas.

“Paki antay- antay lang po minadamali  po natin ito sinertify urgent na nga natin sa SB para mapabilis po ang proseso,” ani Pajarillo.

Ayon sa Alkalde aabot sa 17,000 pamilya ang nangangailangan ng agarang ayuda.

Bigas ang ipapamahagi ng LGU pero posible umanong dagdagan na rin ng mga de lata.

Inaasahang ngayong linggo ding ito o pinakamatagal na umano sa darating na Lunes ay sisimulan na ang pamamahagi ng ayuda.

Dagdag pa ng opisyal na kaya nagdeklara ng state of calamity ang LGU ay dahil labis na umanong apektado ng mga nararanasang sama ng panahon ang kabuhayan ng mga tao.

Ang mga mangingisda ay mahigit isang buwan nang hindi makapalaot dahil sa amihan at shear line.

Tinatayang nasa 80 porsiento ng populasyon sa naturang bayan ay pangingisda ang ikinabubuhay at mayroon ding nasa mahigit 40 porsientong nabubuhay sa pagsasaka bukod sa pangingisda.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *