LGU-Pandan, Catanduanes aminadong nahihirapan sa kanilang vaccination program dahil sa mga senior citizens na ayaw magpabakuna

Pandan, CATANDUANES— Aminado ang lokal na pamahalaan ng Pandan sa lalawigan ng Catanduanes na nagiging mabagal ang pag-usad ng vaccination program sakanilang bayan dahil sa mga residenteng ayaw magpabakuna partikular ang mga senior citizens.

Sa isang panayam inihayag ni Pandan Mayor Honesto Tabligan na nasa 20% pa ng mga senior citizens sakanilang lugar ang hindi pa rin tumatanggap ng bakuna kontra COVID-19.

Ikinakatakot daw kase umano ng mga ito na baka hindi kayanin ng kanilang katawan ang side effects ng bakuna habang laganap din ang misinformation patungkol sa COVID vaccines lalo na sa mga liblib na lugar na bahagi ng bayan.

Bagamat isinasagawa rin dito ang mobile vaccination, may mga pagkakataon aniya na pinagsasarhan pa ng pintuan ng mga residente ang mga health workers bilang tanda na ayaw ng mga itong magpa bakuna.

Kaugnay nito, inihayag ni DOH Provincial Officer Dr. Robert John Aquino na hindi naman sapilitan ang pagbabakuna sa kahit na sino ngunit hangga’t maaari ay kailangang madaliin ang vaccination roll out lalo na at may banta na ng delta variant sa rehiyon na lubhang mapanganib para sa mga may edad na.

Gayunpaman, hindi umano susuko ang ahensya sa paghikayat at pagkumbinse sa mga senior citizens na magpa bakuna upang mabigyan ang mga ito ng proteksyon laban sa COVID-19.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *