LGU-Pandan sa Catanduanes hindi muna magpapa pasok ng mga ‘non-resident’ individuals sakanilang bayan

Pandan, Catanduanes—Inanunsiyo ng lokal na pamahalaan ng Pandan sa lalawigan ng Catanduanes na pansamantala muna nilang hindi papahintulutan ang pagpasok ng mga indibidwal na hindi naman residente ng kanilang bayan.

Ito ay kasunod ng pangamba ng LGU na baka dumagsa ang mga tao sa nasabing lugar ngayong  papalapit na ang kanilang pagdiriwang ng town fiesta bilang pagbibigay parangal sakanilang Santong Patron na si San Ignacio de Loyola.

Ayon sa facebook post ni Pandan Mayor Honesto Tabligan, hindi muna papapasukin ang mga hindi naman residente ng bayan maliban na lamang kung ito ay essential travel o emergency.

Para naman sa mga uuwing residente, kinakailangang mag presenta ang mga ito ng dokumentong magpapatunay na sila ay residente sa lugar katulad ng Valid ID.

Kaugnay nito, naglabas ng panuntunan ang LGU upang masiguro na mananatiling ligtas ang kanilang pagdiriwang ng pistang bayan sakabila ng pagkansela ng mga civic activities at paglatag ng regulasyon sa pagsasagawa ng mga religious activities.

Kabilang dito ang paglalagay ng apat na quarantine checkpoints sa lugar upang paigtingin ang seguridad; pagsunod sa minimum health standards; pagpapatupad ng 50% capacity sa loob ng simbahan; pagbabawal sa paggamit ng videoke at pagpatupad ng curfew tuwing alas 9:00 ng gabi.

Sa huli, hiniling ng LGU ang pag-unawa at kooperasyon ng bawat Pandananon, dahil ito ay hakbang lamang ng lokal na pamahaalaan upang maiwasan ang posibleng hawaan o transmission ng COVID-19.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *