Mahigit 600K tourist arrivals para 1st-3rd quarter ng 2023, pinakamataas na naitala sa Albay sa post-pandemic years

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Albay Provincial Tourism, Culture and the Arts Office (PTCAO) na pinakamataas na para sa post-pandemic years ang naitala ngayong tourist arrivals sa lalawigan para sa una hanggang pangatlong quarter ng taong 2023.

Kung babalikan kasi, una nang inanunsyo ng nasabing tanggapan na umabot sa mahigit animnaraang libo o kabuuang 622,274 ang naitala para sa nasabing peryodo.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay PTCAO head Dorothy Colle, sinabi nito na bagama’t hindi pa katulad sa mga naitala bago magkaroon ng pandemya, nakitaan na rin ito ng pagtaas kahit papano habang nagre-recover.

Aniya, sa pre-pandemic years, naabot ng lalawigan ang 1.3 million tourist arrivals, at ito ngayon ang sinisikap na muling maabot at maibalik. Binigyang-diin ni Colle, ang mahigit 600k na naitala ay bunga ng pag-lift ng lahat ng COVID-19 restrictions.

Maliban dito, dumami rin ang tourist arrivals noong kasagsagan ng pag-alburoto ng Bulkang Mayon at wala rin masyadong mga bagyo na lubos na nakaapekto sa turismo na isa pa sa nakatulong. Natuloy din aniya ang lahat ng mga plinanong aktibidad na may kinalaman sa turismo na isa rin sa mga umambag sa tourists arrivals.

Sa ngayon, ayon pa kay Colle, kasalukuyan pa nilang inaayos ang kanilang records at tiniyak na sa pagtatapos ng buwan ng Enero ay mailalabas na nila ang datos ng tourist arrivals para sa huling kwarter ng 2023.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *