Mataas na opisyal ng NPA na may patong-patong na kaso, arestado sa Masbate

SORSOGON CITY – Arestado ang isang mataas na opisyal ng National Operations Command (NOC) ng New People’s Army sa Brgy Nainday sa bayan ng Placer, Masbate.

Kinilala itong si Chito Mendoza Huligaṅga na nagtatago sa mga alias na Ogos, Agos, August, Leo, Miguel at Zardo; ginagamit rin nito ang pangalang Gaspar Flores.

Batay sa ulat, nagsagawa ng magkasanib na operasyon ang Army at PNP batay sa impormasyon na natanggap ng mga ito tungkol sa presensya ng isang kahinahinalang indibidwal sa nasabing lugar.

Narekober sa posesyon ng suspek ang isang kalibre 45 na pistola na kargado ng 6 na bala, isang hand grenade, isang anti-personnel mine (APM), isang tablet, dalawang cellphone, dalawang USB, isang USB wifi adapter, tatlong ID sa ilalim ng pangalang Gaspar Flores at mga subersibong dokumentos.

Nabatid din na si Huligaṅga ay nahaharap sa magkakaibang kaso kabilang na ang double murder with frustrated murder, paglabag sa RA 8294 o unlawful possession of explosives, at paglabag sa RA 9516 o pagbebenta ng armas at pampaabog sa Infanta Quezon noong 2016.

Ayon sa Intel report ng Phil. Army, si Huliganga ang siyang namamahala sa pangangasiwa ng mga pagsasanay ng mga rebelde at pangkalahatang pagpapatupad ng taktikal na operasyon ng nasabing hukbo.

Ayon sa brigade commander ng 903 na si Col Aldwine Almase, “napakalaking dagok nito sa kanilang grupo lalo na ngayon na patuloy ang kanilang paghina dahil kulang na ang kanilang mga miyembro na sanhi ng sunod-sunod na mass surrenders sa kanilang mga dating pinagtataguan at wala na rin silang nalilinlang na mga bagong miyembro dahil alam na ng mga Bicolano ang kanilang totoong kulay at layunin. Mulat na at ayaw na ng mga Masbateño sa karahasan, pandarambong, at kasinungalingan ng komunistang grupo.”

Bago ang pagkahuli kay Huliganga, 5 NPA ang nadakip noong Sabado habang sumisilong sa isang bahay sa Brgy Piṅa sa bayan ng San Jacinto, Masbate.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *