Mga mag-aaral sa pampublikong at pribadong paaralan sa Placer, Masbate, balik-eskwela na matapos ang engkwentro sa pagitan ng NPA at militar

LEGAZPI CITY – Inihayag ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Placer, Masbate na balik-eskwela na ngayon araw ang mga mag-aaral mula sa pampubliko at pribadong paaralan nito.

Batay sa advisory no. 004 series of 2023 na pirmado ni Mayor Eusebio Dumoran Jr., ipinag-uutos na nito sa lahat ng school heads ang pagpapatuloy ng klase dahil batay sa obserbasyon at konsultasyon sa mga concerned offices na may hurisdiksyon sa peace and order, hindi na nakakaalarma ang sitwasyon.

Magugunita na nagkaroon ng pananambang ang mga miyembro ng NPA sa Sitio Tawo-tawo, Brgy. Locsoan noong Marso 22 na ikinasugat ng dalawang militar.

Dahil din sa nangyaring engkwentro, nagdulot ito ng takot at pangamba sa mga kaguruan at estudyante na naging dahilan upang suspendihin ang kanilang pasok sa paaralan.