PCG Camarines Sur, naka-alerto sa mga dadaong na mga bangka mula sa ibang rehiyon

NAGA CITY—Nakaalerto ngayon ang buong himpilan ng Philippine Coast Guard o PCG Camarines Sur para bantayan ang mga kostales na lugar sa lalawigan laban sa mga magtatangkang pumasok mula sa ibang probinsya nang hindi dumadaan sa tamang protocol.

Bunsod ito ng pangamba ng ilang LGU at mga residente kaugnay ng pagangkla ng tug boat sa karatig lalawigan na Albay lulan ang 11 tripulanteng nagpositibo sa COVID-19 mula sa Butuan City.

Pagtitiyak ni CPO Garry Cañeba, Chief Master at arms ng PCG Camarines Sur, bago pa man pumutok ang insidente ay regular ang kanilang isinasagawang coastal security patrol at seaborne patrol upang mapigilan na makapasok ang mga bangkang magmumula sa ibang probinsya o rehiyon.

Sa kabila nito, aminado si Cañeba, na bukod sa tao ay kulang na kulang din sila sa kagamitan gaya ng floating asset na dalawa lamang mayroon sila sa buong probinsya.

Diskarte ng kanilang mga tauhan sa mga isinasagawang pagpapatrolya gayundin kung mayroong search o retrieval operations, ay nagrerenta na lamang sila ng mga bangka mula sa mga mangingisda.

Sa Camarines Sur mayroong pitong Substation ang PCG na kinabibilangan ng Nato sa Sagnay, Sabang San Jose, Guijalo Caramoan, Tamban Tinambac, Pasacao, Camaligan at Balatan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *