PH, nagtala ng mas marami pang kaso ng Delta COVID variant

Nagtala ang Department of Health ng karagdagang apat na kaso ng Delta (B.1.167.2) coronavirus variant, dahilan para sumipa ang kabuoang infection nito sa 17.

Ang Delta coronavirus variant, na unang natukoy sa India noong Pebrero ay pinaniniwalaang 60% na mas nakakahawa, at nagdudulot ng mas malalang sintomas, kumpara sa Alpha (B.1.1.7) variant na unang nadetect sa United Kingdom.

Una nang nagbabala si Health spokesperson Maria Rosario Vergeire sa mga ospital na asahan ang pagdagsa ng mga pasyente ng COVID-19 sa oras na kumalat ang Delta variant.

Nabatid na ang tatlo mula sa apat na karagdagang Delta variant cases ay mga Filipino seafarers mula sa MV Eastern Hope, kung saan matapos umanong madetect ang virus, ay agad silang nirepatriate mula sa South Korea papunta sa Pilipinas noong June 3.

Dalawa sa kanila ay nakarekober na at nakalabas na ng ospital, habang ang isa ay nananatiling naka-admit sa Metro Manila hospital.

Samantala, ang pang-apat naman na kaso ay isang returning overseas Filipino na dumating mula sa Saudi Arabia noong May 24, at tinukoy bilang recovered noong June 10. // MHEL PACIA-TRINIDAD

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *