Sawa na may habang 10 talampakan, nakapasok sa isang supermarket sa Australia

Sydney, Australia— Alam niyo ba na ayon sa pag-aaral, ang pamamalengke o  pag shopping ay mayroong magandang benepisyo saating kalusugan?

Ayon sa website na womenshealthmag.com, lumalabas sa resulta ng ilang pag-aaral na ang pamimili ay maganda para sa mental at pisikal na kalusugan nating mga tao. Nag re-release ito ng ‘mood-lifting endorphins’; nakakapag palakas ng immune system at pinupunan ang ating ‘basic social needs.’

Pero sa isang supermarket sa Sydney, Australia tila kabaliktaran ang naramdaman ng mga shoppers, dahil imbes na sumigla habang namamalengke, napuno ang mga ito ng takot at hilakbot matapos bumungad sakanila ang isang sawa.

Ayon sa ulat, isang ‘non-venomous diamond python’ na may habang sampung talampakan (10 foot) ang bumulaga sa isang shopper ng Woolworths Supermarket na si Helaina Alati. Naka pwesto ang sawa sa isang grocery shelf ng mga pampalasang sangkap.

Mabuti na lamang at nagkataon na si Alati ay isang ‘professional snake catcher’ kaya’t dali-dali itong umuwi sakanilang bahay upang kunin ang kanyang gamit sa paghuli ng ahas.

Maingat niya itong dinakip at ayon sakanya ay maamo naman ang sawa dahil hindi naman ito nakipagbuno sakanya. Matapos na mahuli ay agad niya itong dinala at pinakawalan sa makahoy at madamong bahagi ng lugar.

Wala namang napahamak sa mga shoppers at mga empleyado ng pamilihan habang hindi naman naging malinaw kung paanong nakapasok ang isang sawa sa supermarket.### JUMEL DELA ROSA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *