Simbahan pinag- iingat ang publiko sa harap ng banta ng COVID- 19 Delta variant

CAMARINES NORTE- Nanawagan sa publiko ang pamunuan ng Lokal na Simbahan sa Camarines Norte na paigtingin pa ang pag- iingat kontra COVID- 19 sa harap na rin ng banta ng mas mabagsik na Delta variant.

Kahapon, August 1, ipinaalala ni Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang kahalagahan na mas maging maingat sa panahon ngayon at sundin ang Minimum Health Standards tulad ng pagsusuot ng face mask, social distancing at proper hygiene.

Ayon kay Alarcon, sa Metro Manila ay virtual na naman ang mga selebrasyon ng misa dahil sa ipapatupad na lockdown kaya’t mahalaga umano ang pag iingat kahit wala pang kumpirmado ng COVID- 19  Delta variant sa lalawigan upang hindi matulad ang huli sa una.

“Nananawagan ako dito sa atin sa Camarines Norte, let us take extra precautions, so mag- ingat, face mask pa rin, social distancing and hygiene,” ani Alarcon.

“Alam niyo po ba ngayon na sa Manila lockdown na sila, because of the Delta variant, they cannot come to church, virtual na naman, please mag ingat tayo na sana di na naman muli tayong humantong sa ganun, it is a plea, kahit wala pa dito sa atin, mag- ingat, mag ingat po tayo.”

Muli ring hinimok ng obispo ang lahat na magpabakuna para na rin sa proteksyon ng sarili at ibang tao.

Higit kailanman, ngayon umano mas kailangang magtulungan at ipagdasal ang bawat isa hindi lang sa laban kontra COVID- 19 kundi sa iba pang sakuna na dulot ng natural calamities.

“It is this time we need to hold each other’s hand, magtulong- tulong po tayo.”

Ayon sa Department of Health (DOH), umaabot na sa 1, 328 ang kabuuang kaso ng COVID- 19 sa lalawigan makaraang makapagtala ng 27 bagong kaso noong weekend.

Sa bilang na ito, 245 ang aktibong kaso habang 1,024 naman ang gumaling na sa sakit.

Nasa 59 naman ang nasawi pero 70 na ito sa tala naman ng Provincial Health Office.

Nasa mahigit isang libo naman ang hinuli dahil sa paglabag sa mga health protocols mula July 19- 29, 2021.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *