Sorsogon City police may body camera na

SORSOGON CITY – Inumpisahan nang gamitin ng mga operatiba ng Sorsogon City Police ang kanilang body cameras, ito ang kinumpirma sa Brigada News FM-Sorsogon ng hepe ng nasabing istasyon na si PMaj Jeric Don Sadia.

Paliwanag pa ng opisyal, gagamitin lang nila ang body cams sa kanilang ‘special operations’ katulad ng buy-bust, implementasyon ng search warrant, checkpoint, paghain ng court orders at warrant of arrest at sa iba pang legitimate police operations.

Ayon pa sa opisyal, may kabuuang 20 body cameras ang kanilang natanggap. Ang kanila umanong istasyon ay isa sa mga pilot police station sa bansa para sa implementasyon ng naturang gadget.

Dagdag pa ng opisyal, malaking bagay ang bodycam para na rin sa proteksyon hindi lamang ng kanilang mga tauhan kundi maging ng mga sangkot sa krimen na indibidwal.

Paliwanag pa ni Sadia, sa panig ng pulisya ay magiging daan ito upang maiwasan na ang mga maling ispekulasyon at paratang tulad ng pagtatanim ng ebidensya at iba pa, habang sa parte naman ng suspek ay makasisiguro na walang mangyayaring pang-aabuso sa karapatang pantao.

Hindi naman na-specify ng opisyal kung ilang operatiba ang gagamit ng nasabing gadget sa isang operasyon at kung ilan ang magla-live stream.

PHOTO: Google

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *