Sundalo, patay matapos barilin ng kapwa sundalo

SORSOGON CITY – Nasawi ang isang sundalo matapos barilin ng kapwa sundalo sa loob mismo ng kanilang kampo sa 93rd CMO Company, Sitio Mahingan, Brgy Balogo, East District, Sorsogon City.

Hindi na nakarating ng buhay sa ospital si Sgt. Jimmy Cardel Banania, 37-anyos, binata at naninirahan sa Brgy 18 Cabagñan, Legazpi City habang ang suspek na sundalo rin ay kinilalang si Sgt. Ranly Arevalo Datu, 44-anyos, binata at residente ng Purok 5, Brgy Pobalcion, Manito, Albay.

Sa report na ekslusibong nakuha ng Brigada News, alas 6:45 ng gabi noong Huwebes, Hulyo 28 nang magkaroon ng mainit na pagtatalo ang suspek at biktima.

Una rito, pumasok umano ang suspek sa isang barracks at may hinahanap, na sinagot naman ng biktima at sinabing “wala dito ang hinahanap mo”.

Bigla umanong bumulalas ang suspek at sinagot ang biktima nang “mga mauragon na kamu”, dito na nagkaroon ng mainit na sagutan ang dalawa.

Habang nagsasagutan ang mga ito ay bigla umanong humakbang paatras ang suspek, sabay bunot ng kanyang baril.

Agad namang sinunggaban ng biktima ang suspek at nagpambuno ang dalawa sa baril hanggang sa pumutok ito at natamaan sa dibdib ang biktima.

Rumesponde ang ilang sundalo nang marinig ang putok at tulong-tulong na itinakbo sa pinakamalapit na ospital ang biktima habang ang ibang sundalo ay kinostudiya agad ang suspek.

Idineklara namang ‘dead on arrival’ ang biktima ng sumuring doktor.

Nabatid na ang suspek ay nasa impluwensya ng alak nang maganap ang insidente.

Nakahanda na ang kasong murder na isasampa laban sa suspek at kapag napasakamay na ng Sorsogon City Police ang death certificate ng biktima ay saka nila ito isasampa sa korte.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *