Tayabas City DRRM Office, nagdaos ng exhibit re: National Disaster Resilience Month; BDRMM 111, inilunsad

Nagdaos ang Tayabas City Disaster Risk Reduction and Management Office ng isang exhibit kung saan ibinida nila ang mga kagamitan na ginagamit ng nasabing tanggapan sa kanilang pagresponde sa mga kalamidad tulad ng bagyo, lindol at aksidente na ginanap sa ikalawang palapag ng Casa Comunidad de Tayabas nitong Hulyo 19.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni Tayabas DRRMO Chief Rosario Bandelaria katuwang ang pamahalaang panglungsod na bahagi ng pagdiriwang ng taunang National Disaster Resilience Month na inoobserbahan tuwing buwan ng Hulyo.

Dumalo sa pambungad na programa si Mayor Ernida Reynoso, kinatawan ni Vice Mayor Manny Maraig at DRRM Committee Chair Councilor Julius Luces na sinundan naman ng ribbon cutting.

Sa eksklusibong panayam ng Brigada News FM Lucena kay CDRRMO Chief Bandelaria, masaya niyang ibinalita na matagumpay nilang nailunsad ang BDRRM 111 kung saan magsasanay sila ng labing-isang (11) miyembro at isang (1) lider sa bawat 66 na barangay ng Tayabas na magiging First Responders sa kanilang nasasakupan.

Dagdag ng nasabing hepe, layon ng BDRRM 111 na palakasin at palawigin ang kanilang kaalaman pagdating sa disaster at kalamidad.

Ibinahagi naman ni Operations Officer Engr. Wilmer Eud sa himpilan ang mga equipments at aparato na naka-display sa nasabing exhibit at ipinaliwanag kung saan ito ginagamit.

Anya, ang mga kagamitan at aparato na nasa pangangalaga ng tanggapan ay nasa 70% na ng logistical requirement na hinihingi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa bawat lokal na pamahalaan.

Samantala, hangad naman ng Tayabas City DRRMO na mapaigting pang lalo ang katatagan ng bawat mamamayang Tayabasin sa panahon ng sakuna. | via Brian Zagala, BNFM Lucena

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *