Tricycle drivers at operators sa bayan ng Basud nagkumahog sa huling araw ng franchise renewal kahapon

CAMARINES NORTE- Nagkumahog ang mga tricycle driver at operator sa bayan ng Basud, Camarines Norte kahapon para sa huling araw ng franchise renewal.

Sa unang tingin ay aakalaing animo’y mayroong transport strike sa dami ng mga nakapilang tricycle sa harap ng munisipyo at legislative building na naghahabol sa deadline.

Simula kasi ngayong araw ay pagmumultahin na ang mga magre- renew ng prangkisa ng tricyle makaraang mag- lapse ang ibinigay na palugit ng LGU.

Matatandaan na pinalawig ng Lokal na Pamahalaan ang renewal ng tricycle franchise at pedicab naturang bayan hanggang kahapon, Pebrero 20, na dapat sana ay noong huling bahagi pa ng Enero.

Sa bisa ito ng Sangguniang Bayan Resolution No 124- 2023 na may petsang January 23, makaraang humirit ang TODA ng extension.

Matatandaan na sumulat ang Basud Federation of Tricycle Operator and Driver Association (BAFETODA) sa SB noong Enero 20 para humiling ng palugit o extension sa pag renew ng prangkisa.

Batay sa sulat ni BAFETODA President Anthony Boribor nakakaranas pa rin ng kakapusan sa pananalapi ang mga operator dahil sa sunod- sunod na pagsama ng panahon na nagiging sanhi ng paghina ng pasada.

Bukod dito hindi pa rin daw sila nakakarekober sa dinanas na pandemya.

Naintindihan naman umano ng mga miyembro ng konseho ang karaingan ng mga operator at driver kaya pinagbigyan ang mga ito sa kanilang hiling na palugit o extension.

Gayunman hindi sa nais sana ng mga TODA na hanggang Marso.

Nakapaloob sa resolusyon na para sa social and economic consideration at para mabigyan din ng sapat na panahon ang business owners at franchise holders na maihanda ang mga requirements for renewal ay napagkasunduan ng SB na magkaroon nga ng extension nang walang penalidad.

Gayunman ang kabiguang makapag- comply sa itinakdang petsa sa panig ng mga humirit ng extension ay nangangahulugang pagmumultahin na sila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *