Turkey-Syria quake death toll: halos 8k na; 3 Pilipino, nawawala

Dumoble pa ang bilang ng nga namamatay sa naranasang magnitude 7.8 na lindol sa Turkey-Syria.

Sa huling datos mula sa mga local disaster offices, umakyat pa sa 7,800 ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi at inaasahang madaragdagan pa ito habang nagpapatuloy pa ang mga rescue operations.

Kaugnay nito, idineklara na rin ni Turkish President Recep Tayyip Erdogan ang state of emergency sa sampung mga probinsyang naapektuhan ng lindol sa kanilang bansa.

Ito ay tatagal ng tatlong buwan habang nagpapatuloy pa ang pagre-rescue, at pagsasaayos sa libu-libong mga gusaling winasak ng pagyanig.

Aabot naman sa mahigit 20,000 ang mga tumutulong sa rescue efforts.

Una nang nagpadala ng 85 mga miyembro ng iba’t ibang ahensya ng Pilipinas para tumulong sa recovery at paghahanap ng mga natabunan ng gumuhong mga gusali.

Tatlong mga Pilipino, nawawala

Tatlong mga Pilipino umano ang nawawala bunsod ng lindol.

Sa isang panayam, sinabi ni Vice President of the Filipino Community Weng Timoteo na may tatlong Pilipinang nawawala sa Hatay na isa mula sa 11 probinsya na naapektuhan ng 2 lindol.

Dagdag pa niya, ayon sa nakausap niyang isang Pinay, sinabi nitong gumuho talaga ang bahay ng kaibigan niya na may kasamang tatlong anak.

Bukod dito, pinakukumpirma pa ng Filipino community ang naiulat na dalawa pang Pilipina na ayon umano sa kanilang employer ay namatay na.

Samantala, pinatitiyak na ng Philippine Embassy sa Türkiye ang kalagayan ng mga Pilipinong naapektuhan ng naturang sakuna.

Nag-set up na umano ang embahada ng crisis command center upang makiupag-ugnayan sa Filipino community leaders sa mga apektadong lugar, maging sa mga Turkish authorities.

Pamahalaan ng bansang Turkey, nagpasalamat sa tulong na ibinigay ng Pilipinas para sa mga naapektuhan ng malakas na lindol

Pinasalamatan ng Turkish Embassy sa Pilipinas ang pamahalaan ng bansa matapos mag-offer ng tulong si Pangulong Bongbong Marcos.

Ayon sa top diplomat ng Türkiye sa Pilipinas na si Ambassador Niyazi Evren Akyol, lubos ang pasasalamat nila sa naging desisyon ni Marcos na magpadala ng delegasyon na kabibilangan ng mga engineers at health workers mula sa defense, health, at local government agencies ng bansa.

Tinitingnan ni Akyol ang ginawang tulong ng pamahalaan bilang “act of solidarity” na aniya ay magpapatibay ng pagkakaibigan at kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Bukod sa Pilipinas, nagpahatid din ng tulong ang iba pang mga bansa para sa search and rescue sa mga Turkish people, at upang magsagawa ng relief operations.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *