Usapin hinggil sa inirereklamong poulty farm sa isang Barangay ng Basud tinapos na ng Sangguniang Bayan

CAMARINES NORTE- Tinuldukan na ng Sangguniang Bayan ang isyu hinggil sa inirereklamong poultry farm sa Barangay Guinatungan, Basud, Camarines Norte dahil umano sa  perwisyong dulot ng mga langaw na nagmumula dito.

Ito ay matapos na hindi dumalo ang complainant na si Dina Soriano sa ipinatawag na Committee Meeting noong nakaraang linggo.

Nakasaad sa Committee report na pinagtibay ng SB  sa regular na sesyon noong Lunes, Nobyembre 28 na naka- comply ang may ari ng poultry farm na si Maricel Rada sa lahat ng rekomendasyon at requirements ng Department of Environment and Natural Resources- Environmental and Management Bureau (DENR-EMB) ayon umano sa kinatawan ng ahensiya na dumalo sa naturang pagdinig.

Nasunod rin daw ng may ari ang mga rekomendasyon ng Rural Sanitary Inspector at Municipal Agriculturist base sa ginawang ocular inspection sa lugar.

Maging ang SB umano ay nagsagawa na rin ng ocular inspection sa poultry farm kasama ang Rural Sanitary Inspector at wala raw nakitang “adverse violations” ang may ari.

Napag usapan na rin daw ang isyung ito sa opisina ng Gobernador noong Setyembre.

Nagpaliwanag naman ang complainant na si Soriano sa hindi nito pagdalo sa ipinatawag na Committee Meeting noong nakaraang linggo.

Sa kaniyang sulat sa konseho sinabi nito na hindi siya nakadalo dahil napag alaman umano niyang isa lang ang pwedeng pumunta sa naturang pagdinig.

Nais daw sana nitong pagbigyan na maisama ang iba pang mga namamarangay ng Guinatungan para maiparating ang kanilang hinaing.

Bukod dito, napag alaman din umano niya na hindi makakarating sa patawag si Councilor Inah Arana Macale na kanilang nilapitan at idinulog ang problema.

Matatandaan na batay sa sulat ng complainant sa SB na may petsang Nobyembre 17 ay binigyang diin nito na matagal na nilang tinitiis ang anila’y pesteng langaw na nagmumula sa poultry farm.

Ayon dito, nagsimula ang kanilang problema noon pang 2016 at hanggang ngayon umano ay hindi pa rin nabibigyan ng solusyon.

Sa katunayan ay nagdudulot na raw ito ng sakit tulad ng pagtatae at pagsusuka lalo na sa mga bata at mga residenteng mahihina ang resistensiya.

Kahit daw sa paghahanda ng pagkain ay perwisyo ang idinudulot ng mga langaw na nauuna pang dumapo sa pagkain at minsan ay napapasama pa sa nilulutong pagkain.

Pahirap rin daw ito sa pagtulog dahil nananatili ang mga ito sa kanilang tahanan hanggang gabi na dumadapo sa ilaw.

Napapagastos pa raw sila dahil sa mga binibiling pang- spray at panglinis.

Maraming beses na rin umano silang dumulog sa Sangguniang Barangay at nagkaroon na rin ng petisyon ang mga tao para ipasara ang poultry farm.

Inilapit na rin umano nila ang problema sa iba’t- ibang tanggapan ng pamahalaan pero hanggang sa kasalukuyan ay ganun pa din ang sitwasyon.

Idinadaan na lang umano ng mga tao ang pag post sa social media dahil wala silang mahingahan ng problema.

Inirekomenda naman ng komite ng SB na mabigyan ng kopya ng minutes/agreement ng nangyaring pagdinig ng reklamo noong September 27, 2022 na ginawa sa Office of the Governor ang Sangguniang Barangay ng Guinatungan at may ari ng poultry farm.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *