VP Duterte, hinimok ng ilang kongresista na kausapin ang ama

Umapela si Zambales First District Representative Jefferson Khonghun kay Vice President Sara Duterte na kumbinsihin ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na suportahan ang administrasyong Marcos.

Sa press conference sa Kamara, sinabi ni Khonghun na ang prinsipyo ng binuong “UniTeam” ay higit pa sa relasyon nina Pangulong Marcos at VP Sara tulad ng Kamara na nagkakaisa umano sa hangarin at buo ang suporta sa panawagan ng punong ehekutibo sa ilalim ng liderato ni Speaker Martin Romualdez.

Hiniling nito sa pangalawang pangulo na kausapin ang kanyang pamilya dahil wala aniyang ibang nais ang pangulo kundi ang kaunlaran at katahimikan ng bansa.

Naniniwala rin si Lanao del Sur First District Representative Zia Alonto Adiong na solid ang UniTeam lalo’t nananatili sa gabinete si Inday Sara at sinusuportahan ang mga plano ng administrasyon bukod pa sa hindi nito pagpabor sa mga pahayag ng pamilya.

Naisakatuparan umano ang political slogan ng UniTeam at naging aktwal na plano nang ilunsad ang kampanyang Bagong Pilipinas.

Dagdag pa ni Adiong, nagkakaisa ang iba’t ibang political parties at party-list groups at patunay rito ang pagkakapasa sa priority legislation partikular ang natalakay sa Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC.

Iginiit naman ni La Union Representative Paolo Ortega na nararamdaman nila sa distrito ang mga hakbang ng gobyerno at tiyak na nakikinabang na rin ang mga nasasakupan bunga ng ginawang legislation.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *