Wanted person sa Sorsogon at notoryus din na kriminal sa Maynila, arestado

SORSOGON CITY – Nasakote na ang No. 10 most wanted person ng Matnog Police at notoryus na kriminal din sa Maynila sa pinatinding search at warrant operations ng pinagsanib na puwersa ng Matnog Police bilang lead unit, Station 7 ng QC Police District at ng 2nd Provl Mobile Force Company (PMFC) ng Bulan, Sorsogon.

Nahuli sa Brgy Socorro, Cubao, QC., habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan si Erick Escober Garil, 25-anyos, baker at residente ng Brgy Laboy, Matnog, Sorsogon.

Ang pag-aresto ay sa bisa ng warrant of arrest sa kasong robbery na ipinalabas ng RTC Br 55 na may itinakdang piyansa na aabot sa P100, 000.00.

Sa pahayag sa Brigada News FM-Sorsogon ng DCOP ng Matnog MPS na si PLt Jose Destacamento, sinabi nito na matagal nilang hinanap kung saan ang lokasyon ni Garil hanggang sa may natanggap sila na impormasyon kung saan mahahanap ang akusado.

Ang kaso ni Garil ay nag-ugat halos 8 taon na ang nakakaraan matapos na looban nito at kanyang kasamahan ang Erick and Linda Lim Enterprises kung saan natanggay ng mga ito ang P500K na cash.

Tumakas at nagtago ito sa Maynila at naging snatcher, holdaper at naimbuwelto din sa akyat-bahay.

Labas-masok umano si Garil sa kulungan sa Maynila dahil hindi na sumisipot sa pagdinig sa korte ang mga naging biktima nito.

Himas rehas na ito ngayon sa custodial facility ng Matnog Police sa lalawigan ng Sorsogon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *